Pumalo na sa 1,006 ang naitalang COVID-19 positive sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y matapos nadagdagan pa ng 25 pulis na nagpositibo sa nakamamatay na virus.
Ayon sa PNP Pubic Information Office, walo ang nagmula sa Police Regional Office 7 sa Central Visayas, pito sa National Capital Region Police Office (NCRPO), apat mula sa Police Regional Office 4-A o CALABARZON.
Dalawa naman ang naitala mula sa PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) habang tig-isa naman mula sa iba’t ibang mga unit tulad ng National Headquarters sa Camp Crame, Special Action Force (SAF), Highway Patrol Group (HPG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa kabila ng pagdami ng mga bagong kaso ng COVID sa hanay ng pambansang pulisya, nasa 400 naman ang bilang ng mga recovery habang nanatili sa siyam ang bilang ng mga nasawi.
Samantala, nasa 1,252 ang bilang ng mga pulis na nasa suspected cases habang nasa 951 naman mga nasa probable cases.