ILOILO CITY – Umiiyak na humingi ng paumanhin ang COVID-19 positive sa Ingore, La Paz, Iloilo City dahil hindi niya sinunod ang quarantine protocol sa pag-aakalang negatibo ito sa nasabing sakit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay alyas Jong-Jong, WV No. 227 isang Locally Stranded Individual mula sa Metro Manila, sinabi nito na inakala niyang negatibo siya sa COVID-19 dahil ito ang lumabas sa rapid test.
Hindi naman niya inakala na hindi pa pala kumpirmado na negatibo ito sa virus.
Ayon sa kanya, nang umuwi siya sa lungsod ng Iloilo, walang sumundo sa kanya na personnel ng Iloilo City Government kaya’t napagdesisyunan niyang sumakay na lang sa taxi.
Dahil sa pag-aakalang negatibo ito sa COVID-19, pumunta pa si Jong-jong sa lamay ng kanyang kaibigan at pagkatapos nito, nakipag imunan pa at kinabukasan, nagpa-manicure pa ito at naglaro ng basketball.
Sa ngayon, nananatili si Jong-jong sa isang quarantine facility sa lungsod.