-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Umabot na umano sa danger zone ang occupancy rate ng mga COVID-19 referral hospitals sa South Cotabato kung saan naroroon ang lungsod ng Koronadal bilang regional center na pangalawa sa pinakamataas na porsiyento ng pagtaas ng kaso sa buong bansa ayon sa OCTA research.

Sa datos na inilabas ng Integrated Provincial Health Office (IPHO)- South Cotabato, ang occupancy rate ng mga COVID 19 referral hospital sa lalawigan ay nasa 95.83%, samantalang fully utilized na ang mga intensive care units o ICU beds.

Ang mga ospital na tumatanggap ng mga confirmed at probable COVID 19 patients dahil sa pagtaas ng bilang ng nagpopositibo ay halos puno na.

Sa kabuuan, ang probinsya ay mayroong 96 COVID 19 hospital beds, 10 ICU facilities, dalawang dialysis slots, at 11 mechanical ventilators.

Kabilang sa referral facilities ang South Cotabato Provincial Hospital (SCPH), Allah Valley Medical Specialists’ Center Inc sa Koronadal City; Soccsksargen General Hospital (SGH) at Dr. Arturo P. Pingoy Medical Center at Landero Clinic and Hospital sa Surallah gayundin ang Howard Hubbard Memorial Hospital sa Polomolok.