MANILA – Tuluyan pang bumaba ang “reproduction number” ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa nakalipas na linggo.
Ang reproduction number ay ang bilang ng mga nahahawaan ng isang kumpiradong kaso ng coronavirus.
Batay sa pinakabagong report ng independent group na OCTA Research, nasa 0.67 na ang reproduction number ng NCR.
Mula ito sa 0.69 na antas bago matapos ang modified enhanced community quarantine sa huling linggo ng Abril.
“The current daily average is 61% lower compared to the peak of the surge (from) March 29 to April 4,” nakasaad sa report.
Ayon sa OCTA, posibleng makapagtala na muli ang Metro Manila ng hindi hihigit sa 1,900 na bagong kaso ng COVID-19 pagdating ng May 14.
Sa nakalipas na linggo raw kasi ay tinatayang 2,172 cases ang bilang ng COVID-19 cases sa NCR.
Una nang sinabi ng OCTA na ilang lugar sa bansa ang itinuturing na “areas of concern.”
Tulad ng Puerto Princesa, Cagayan de Oro City, Zamboanga City, at Bacolod City.
Aabot na sa 1,094,849 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas.