MANILA – Muling tumaas ang “reproduction rate” o bilang ng mga nahahawaan ng isang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ito ang sinabi ng independent group na OCTA Research sa pinakabago nitong report, kung saan umakyat sa 0.68 ang reproduction number o “R-Naught” ng coronavirus infection sa rehiyon.
Mula ito sa 0.57 noong ikaapat na linggo ng Mayo. Ito ang unang beses na tumaas ang R-Naught rehiyon mula nang sumirit ang COVID-19 cases noong Abril.
Nananatili sa “moderate risk” ang klasipikasyon ng Metro Manila dahil nasa 8.22 per 100,000 population ang average daily attack rate nito.
Nasa 1,135 o 8% naman ang “growth rate” ng 7-day average ng mga bagong COVID-19 cases sa rehiyon.
Itinuturing na sentro ng hawaan ng coronavirus ang Metro Manila. Dito rin naitala ang pinakamataas na numero ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon sa World Health Organization, dapat manatili sa 5% o mababa pa ang “positivity rate” ng isang bansa o bilang ng mga nagpo-positibo mula sa populasyon tini-test sa COVID-19.
Samantala, nasa “safe zone” naman ang obserbasyon ng grupo sa healthcare utilization rate ng Metro Manila.
Batay sa report ng OCTA, 41% healthcare facilties ng NCR para sa COVID-19 patients ang ginagamit.
Habang 53% ang occupancy rate sa mga kama ng ICU, ward, at isolation ng mga ospital.