-- Advertisements --

Naniniwala ang mayorya ng mga Pilipino na sapat ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngunit kapos naman daw sa pagtulong sa mga nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.

Batay sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre, 71% ang nagsabi na kuntento sila sa hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19, habang 22% ang nagsabing nakukulangan sila, at anim na porsyento ang undecided.

Mas mataas din ang naitalang net adequacy sa Mindanao at Visayas kumpara sa Balance Luzon at Metro Manila.

Maliban dito, sinabi ng pollster na mas mataas din ang net score ng mga kalalakihan kung ihahambing sa kababaihan.

Samantala, 67% ang nagsabing sapat daw ang hakbang ng gobyerno para matiyak ang extensive contact tracing, habang 23% ang nagsabing kapos, at siyam na porsyento ang undecided.

Kaya naman, may net adequacy score ang contact tracing na +43.

Ipinakita rin sa survey na 54% ang naniniwalang sapat ang aksyon ng pamahalaan para masiguro ang abot-kayang COVID-19 testing, 33% ang nakukulangan, at 11% ang undecided.

Sa kabilang dako, 44% lamang ang naniniwalang ginagawa ng pamahalaan ang lahat para mabigyan ng trabaho ang mga nawalan ng pagkakakitaan.

Umabot naman sa 46% ang nagsabing nakukulangan sila sa hakbang ng gobyerno, habang siyam na porsyento ang undecided.

Isinagawa ang SWS survey mula Setyembre 17 hanggang Setyembre 20 gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone interview sa mahigit 1,249 adult Filipinos.