-- Advertisements --

Idineklara ngayon sa kabisera ng western Xinjiang region sa China na Urumqi ang “wartime state” matapos ang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng coronavirus.

Ayon sa mga opisyal, 17 bagong kaso ang naitala sa lugar, na isinailalim na rin sa mahigpit na mga protocol.

“The whole city has entered a ‘wartime state’, and will suspend all kinds of group activities,” wika ng isang opisyal sa ginanap na state briefing.

Nitong Miyerkules nang maitala ang mga latest infections, na kauna-unahan sa nasabing rehiyon sa loob ng ilang buwan.

Bunsod nito, kinansela muna ang halos lahat ng mga flights papasok at palabas ng siyudad.

Pansamantala rin munang sinuspinde ang mga subway services.

Ayon kay Rui Baoling, director ng disease control and prevention, na-detect ang main cluster ng mga kaso sa Transhan district.

Bagama’t mabilis umano ang development ng epidemic, ipinagmalaki ng opisyal na kanila pa ring nakokontrol ang sitwasyon.

Batay sa pinakahuling datos, ang kabisera ng Xinjiang Autonomous Region ay may kabuuang populasyon na 3.5-milyon. (BBC)