MANILA – Sisimulan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang mas murang saliva testing para sa COVID-19 bukas, January 25, matapos aprubahan ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Dr. Paulyn Ubial, PRC molecular laboratories chief, magiging available ang alternatibong coronavirus test sa kanilang mga laboratoryo sa Mandaluyong City at Port Area, Manila.
“By February, we expect the whole country, all the 13 molecular laboratories of the Philippine Red Cross can test for saliva,” ani Ubial sa panayam ng TeleRadyo.
Paliwanag ni PRC chairman Richard Gordon, inaasahang sa February 5 ay lahat ng laboratoryo sa Pilipinas ay may kakayahan na rin magsagawa ng COVID-19 test sa pamamagitan ng laway bilang specimen.
May kakayahan daw ang saliva test na maglabas ng resulta sa loob ng tatlong oras. Mas mura rin ito sa halagang P2,000 kumpara sa RT-PCR test.
Ayon kay Gordon, maaaring mag-book sa website na book.redcross1158.com ang mga interesado sa saliva testing.
Inirerekomenda ng PRC na huwag kumain, uminom, mag-sigarilyo o mag-vape ang indibidwal, 30-minutes bago siya sumailalim sa saliva test.
Umaasa ang institusyon na papayagan na rin ng Health department ang saliva test sa mga paliparan.