-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nananatiling “Coronavirus Disease (COVID)-19 free” ang Boracay at buong lalawigan ng Aklan.

Ito’y matapos nakabalik na ang 11 turista na pawang nagmula sa Daegu City, South Korea, sakay ng direct flight sa Kalibo International Airport matapos na hindi nakitaan ng anumang flu-like symptoms.

Ang mga Koreano ay kinabibilangan ng anim na lalaki at limang babae sa Incheon.

Ayon kay Madel Joy Tayco, deputy information manager ng Malay inter-agency task force against COVID-19, sa kasalukuyan ay wala nang naitalang “persons under monitoring” sa kanilang hurisdiksyon.

Nabatid na ang 11 Koreano ay nakapasok sa Boracay noong Pebrero 25 upang magbakasyon isang araw bago magpatupad ang pamahalaan ng travel ban sa mga bisitang nagmula sa Gyeongsang province at Daegu, South Korea, na siyang epicenter ng COVID-19 outbreak.

Nilinaw pa ni Tayco na hindi isinailalim sa mandatory quarantine ang mga Koreano, kundi inobserbahan lamang dahil pawang nanggaling ang mga ito sa Daegu City.