ILOILO CITY – Mistulang “ghost town” ang Daegu City sa North Gyeongsang, South Korea, matapos na ipinatigil ang biyahe sa lahat ng mass transport system dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bernadeth Almores, overseas Filipino worker (OFW) sa nasabing lugar, sinabi nito na ang biyahe na lamang ng tren ang kasalukuyang transportasyon sa Daegu City ngunit ang karamihan ay hindi na lumalabas ng bahay dahil sa takot na mahawa ng virus.
Ayon kay Almores na tubong San Jose de Buenavista, Antique, lomobo na ang bilang ng infected persons dahil posibleng minaliit noon ng South Korean government ang outbreak na nagmula sa China.
Sa ngayon aniya, wala nang mabibiling face mask, alcohol at sanitizers sa Daegu City at nagkakaubusan na rin ng supply ng pagkain dahil sa panic buying.
Samantala, upang hindi na madagdagan ang bilang ng mga infected persons, inihayag ni Almores na ipinatigil muna ang trabaho at pasok sa kanilang lugar habang may ilang kompaniya na nagpatupad ng limitadong duty hours.
Sa kabila nito, tiwala pa naman daw silang mga OFW sa kakayanan ng South Korean government na malalampasan ang pagsubok.
Nitong araw lumabas ang impormasyon na nasa kabuuang 2,931 na ang mga kaso ng COVID-17 makaraang madagdag ang panibagong 594 cases.
Umaabot na rin sa 16 ang mga nasawi sa kabuuan ng South Korea.