-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nakabalik na sa kanilang bansa ang mga turistang Koreano na nakapasok sa Aklan bago pa man ang ipinatupad na community quarantine.

Nakasaad sa Executive Order No. 19 ni Governor Florencio Miraflores, bawal munang makapasok sa lalawigan ang mga dayuhang nagmula sa mga bansang may naitalang kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Dakong alas-10:30 kaninang umaga nang lumipad pabalik sa kanilang bansa ang mga Koreano na pawang nagmula sa Boracay at Iloilo.

Ayon kay P/Major Belshazzar Villanoche, hepe ng Kalibo Police Station, ilan sa mga ito ay nahanap nila sa iba’t ibang hotels sa bayan ng Kalibo na kasama sa mga lumapag sa Kalibo International Airport sakay ng direct flight mula sa Incheon, South Korea noong Linggo ng umaga.

Samantala, kinumpirma ng mga taga-Aviation Security Group sa naturang paliparan na isang domestic flight ang lumapag kagabi.

Mistula tuloy inarkila ng taga-bayan ng Makato, Aklan, ang buong eroplano dahil nag-iisa lamang siyang sakay na pasahero.

Inatasan umano ang pasahero na sumailalim sa voluntary home quarantine.