-- Advertisements --
boracay 11
Boracay island (photo courtesy from Bombo Ness Cayabyab-Mercado)

KALIBO, Aklan – Simula sa March 8 ng kasalukuyang taon ay wala ng international flights na lalapag sa Kalibo International Airport.

Ito’y dahil sa nagpapatuloy na epekto ng Coronavirus Disease (COVID)-19.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., nasa 80% ang nabawas sa “volume” ng mga pasahero na pumapasok sa Aklan na dumadaan sa nasabing paliparan.

Kahit bawiin aniya ng pamahalaan ang travel restriction sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng nakakamatay na sakit, mismong ang mga turista na rin ang tumatanggi na mamamasyal sa ibang bansa gaya ng Pilipinas.

Kasunod ito ng utos ng kanilang gobyerno na sumailalim sa self quarantine upang hindi na kumalat pa ang virus.

Kaugnay nito, maraming empleyado ng pribadong sektor ang nawalan ng trabaho kasunod ng pagkansela ng mga airline companies ng kanilang international flights dahil sa kawalan rin ng mga pasahero.

Ang matitira na lamang na flights sa Kalibo Airport ay ang domestic na manggagaling sa Clark International Airport at sa Cebu.