TUGUEGARAO CITY – Pinuri ng mga delegado mula sa ibang rehiyon ang mainit na pagtanggap sa kanila kaugnay sa National Schools Press Conference (NSPC) sa lungsod ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Amir Aquino, tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) Region 2, masayang dumating sa lungsod ang mga kalahok mula sa 16 rehiyon sa bansa para sa naturang aktibidad.
Ito’y kahit pa kinansela ng DepEd ang nakatakda sanang parada ngayong araw bilang bahagi ng opening ceremony ng NSPC matapos ang deklarasyon ng “code red alert sublevel 1” bilang bahagi ng pag-iingat at pagpapatupad sa mga precautionary measures sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Tiniyak naman ni Aquino na may sapat na alcohol at hygiene kit sa mga billeting area kung saan mamamalagi ang mga delegado bilang proteksyon sa virus.
Aasahan naman ang pagdating ng mga panauhing pandangal na sina Associate Justice Raymond Lauigan at DepEd Usec. Diosdado San Antonio.
Kung maaalala, ang NSPC ay nakatakda sanang isagawa noong nakaraang buwan na lalahukan ng tinatayang 5,000 hanggang 7,000 delegado ngunit naantala dahil sa pangamba sa COVID-19.
Tinayak naman ni DepEd-Region 2 Dir. Estela Cariǹo na all set na ang lahat para sa NSPC.
Ayon kay Cariño, humiling na ito ng karagdagang mga medical personnel na maitatalaga sa bawat billeting area ng mga delegado.
Kaugnay ng pagbubukas ng NSCPC, sinabi ni Cariño na 50 miyembro ng bawat delegado ang pinapayagang dumalo upang maiwasan ang over crowding.
Malaki naman ang pasasalamat ni Cariǹo sa papuring natanggap mula sa mga kalahok dahil sa mainit na pagtanggap sa mga ito sa lungsod.
Ang tema ngayong taon ng NSPC ay “Empowering Communities Through Campus Journalism” na naglalayong tulungan ang mga estudyante mula sa iba’t ibang panig ng bansa na bigyan ng bagong kaalaman at hasain ang kanilang galing sa larangan ng pamamahayag.
Sa ngayon ay patuloy pa aniyang naghahanda ang DepEd kaugnay naman sa National Festival of Talents sa City of Ilagan.
Inaasahan dito ang pagdating ni DepEd Sec. Leonor Briones.