KALIBO, Aklan – Bagsak ang bilang ng mga turistang bumisita sa Boracay sa unang dalawang buwan ng kasalukuyang taon.
Ito ay matapos na magpatupad nang travel restriction ang pamahalaan sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng Coronavirus Disease (COVID)-19.
Batay sa record ng Municipal Tourism Office ng Malay, Aklan, nasa 40% ang ibinaba ng tourist arrivals sa isla sa unang dalawang buwan ng taon kompara noong 2019.
Nabatid na 103,834 ang bilang ng mga turistang bumisita sa Boracay noong Enero, mas mababa sa 172,695 tourist arrivals noong nakaraang taon.
Base pa sa tala, kung noong 2019 ay 59,768 ang tourist arrivals sa “love month,” nitong 2020 naman ay pumalo lamang ito sa 490.
Kaugnay nito, pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ang naglalakihang event sa pagbabalik ng “Love Boracay” upang makahikayat ng domestic tourist na mapunan ang pagkawala ng mga dayuhang turista partikular ng mga Chinese at Koreans.
Samantala, inanunsyo ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat na unang bibisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tanyag na isla upang maipakita sa lahat na ligtas pa rin itong pasyalan at nananatiling “coronavirus free.”