Pinayuhan ng infectious disease expert ang pamahalaan na obserbahan at i-monitor ang COVID-19 situation sa bansa.
Iginiit ni Dr. Rontgene Solante ang kahalagahan na dapat bigyang pansin ang posibleng malawakang hawaan ng kaso ng COVID-19 sa China na maaaring magdulot ng “global implication”.
Nauna nang nagpaabot ng kanilang pagkabahala ang World Health Organization (WHO) kaugnay sa tumaas na bilang ng severe COVID-19 cases sa bansa.
Una nang iniulat ng Department of Health na nakapag-detect na ang bansa ng apat na karagdagang kaso ng mas nakakahawang BF.7 Omicron sub-lineage.
Bukod dito, binigyang-diin ni Solante ang pangangailangang pag-aralan ang posibleng paglitaw ng mga bagong variant kung sakaling matuloy ang big wave ng impeksyon bago magpataw ng mga border restrictions.
Binanggit ni Solante ang ilang dahilan kung bakit tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa China, kabilang ang pagpapagaan ng mga hakbang kasunod ng zero-COVID policy nito, mababang immune immunity sa populasyon, mga factors sa mga subvariant ng Omicron at ang paggamit ng mga bakunang mababa ang bisa, bukod sa iba pa.