SOUTH COTABATO – Itinuturing na “very alarming” na ngayon ang sitwasyon ng COVID-19 sa probinsya ng South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Governor Reynaldo Tamayo Jr., dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 lalo na at nakapasok na sa probinsya ang mas nakakahawang Delta variant.
Maliban dito, kinumpirma din ni Governor Tamayo na simula kagabi, okupado na ang lahat ng mga hospital beds sa probinsya.
Dahil dito, hinihikayat ni Tamayo ang lahat ng mamamayan ng South Cotabato na huwag balewalain ang COVID-19 lalo na at marami ng naa-admit sa ospital at namamatay dahil sa virus.
Ayon sa gobernador, nakatakda itong magpulong ulit kasama ang mga miyembro ng South Cotabato Medical Society upang muling pag-usapan ang mga posibleng gawin laban sa surge ng COVID-19 sa probinsya.
Ipinahayag pa nito na mayroon umanong posibilidad na ipatupad sa probinsya ang mas istriktong quarantine protocols at posibleng ipatupad muli ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Layunin nito na maiwasan ang mga extra curricular activities ng mga tao maliban sa kanilang mga trabaho.
Ito ay upang malimit ang galaw ng mga tao at maiwasan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa probinsya.
Magugunitang una nang nagbabala ang opisyal na posible sa huling linggo ng buwan ng Agosto o pagdating ng Setyembre, malaki ang posibilidad na magkaroon ng surge ng COVID-19 sa probinsya ng South Cotabato.