Irerekomenda ng Department of Health (DOH) na palawigin hanggang sa susunod na taon ang state of calamity para sa covid-19 sakaling ibasura ng Kongreso ang panukalang batas sa public health emergency.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, kanilang hihilingin sa Pangulo na palawigin na lamang ang state of calamity o kaya naman ay maghain ng panibagong panukala na kaunti lamang ang nilalaman at specific lamang ang mga requirements kung hindi papalawigin ang state of calamity.
Hinimok din ng DOH ang mga mambabatas na magpasa ng Public Health Emergency for Emerging and Re-emerging Disease Bill at panukala na para sa pagtatatag ng Philippine Center for Disease Prevention and Control.
Bahagi aniya ng mga panukalang ito kahit na walang deklarasyon ng state of calamity o public health emergency, maaari pa ring ipagpatuloy ang pagpapatupad ng vaccination program.
Una rito, sa ilalim ng bagong administrasyon pinalawig ng Pangulong Marcos Jr. ang state of calamity para sa covid-19 hanggang sa katapusan ng kasalukuyang taon.