Tinanggal na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang State of Public Health Emergency na pinairal sa buong Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic sa bisa ng Proclamation No. 297.
Ang naturang Proclamation ay inisyu kahapon, Hulyo 21 subalit isinapubliko ngayon lamang araw ng Sabado, Hulyo 22.
Sa ilalim ng naturang Proclamation, pinapawalang bisa nito at kinakansela ang lahat ng naunang orders, memoranda at issuances na naging epektibo sa kasagsagan ng State of Public Health Emergency.
Sinabi din ng pangulo na ang lahat ng emergency use authorization na inisyu ng FDA alinsunod sa Executive Order No. 121 ay mananatiling may bisa para sa period na isang taon mula sa petsa ng pagtanggal ng state of public health emergency para maipamahagi pa ang natitirang mga bakuna.
Hinimok din ng Pangulo ang lahat ng mga ahensya na tiyakin na irekonsidera ang kanilang mga polisiya kasunod ng pagtanggal na ng State of Public Health Emergency at amyendahan ang existing issuances o bumalangkas ng bagong issuances nang naaayon.