-- Advertisements --

ILOILO CITY- Pansamantalang ipapasara ang Western Visayas Medical Center Subnational Laboratory (WVMC-SNL) sa weekends at holidays.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Stephanie Abello, chief pathologist ng WVMC-SNL, sinabi nito na mayroon silang schedule upang magsara para makauwi sa kanilang pamilya at makapagdiwang ng holiday season.

Maliban dito, isa pang dahilan ayon kay Abello ay upang ma-decontaminate ang nasabing laboratoryo matapos ang mahigit 250 araw na pagtatrabaho at walang pahinga.

Ayon kay Abello, nakatakda sa Disyembre 19 hanggang 20 kabilang na ang holidays sa Disyembre 25, Disyembre 30 at Enero 1.

Nilinaw naman nito na bukas sila sa weekdays at tatanggap pa rin ng mga specimen.

Pansamantala namang ipapaubaya sa Uswag Molecular Laboratory ng Iloilo City at ibang ospital ang mga specimen sa mga araw na sarado ang subnational laboratory.