TACLOBAN CITY – Naturukan na ng first dose ng Sinovac vaccine ang mismong alkalde ng lungsod ng Tacloban.
Ayon kay Mayor Alfred Romualdez, na isa ring COVID-19 survivor, alam niyang maraming mamamayan sa Tacloban ang natatakot na magpabakuna kung kaya’t nagdesisyon siyang magpaturok ng Sinovac vaccine upang mawala ang takot at pangamba ng mga ito.
Binigyang diin rin nito na hindi niya ginawa ang pagpapabakuna para lamang maunang maisalba ang kanyang sarili kundi para ipakita sa publiko na walang dapat na ikatakot sa pagpapabakuna at nais niyang magkaroon ng proteksyon ang mga mamamayan upang hindi mapunta sa wala ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno upang labanan ang pandemya.
“I was also being true to myself and to what I said, that everything that hits us, hits me first. So, ako nalang ang gawing guinea pig n’yo”, pahayag pa ng alkalde.
Nang tanungin naman ang alkalde kung ano ang naramdaman nito matapos na mabakunahan ay sinabi nitong maayos ang kanyang pakiramdam at wala anumang adverse effect ang bakuna sa kanya.
Muli, ay patuloy nitong hinihikayat ang publiko na hindi matakot magpabakuna dahil malaki ang maitutulong nito bilang proteksyon laban sa virus.
May ilan namang kumikwestyon sa pagpapabakuna ni Mayor Romualdez gayong hindi naman ito frontliner ngunit ayon kay Tacloban City Health Officer Dra. Gloria Fabrigas, maliban lamang sa pagpositibo sa COVID-19 ng alkalde noong nakaraang buwan ng Disyembre, noong nakaraang linggo ay naging close contact rin siya ng isa pang COVID-19 positive patient at maliban rito ay may commorbidities din di umano ang mayor kung kaya’t nararapat lamang na mabakunahan ito.
Tulad ng ilang mga opisyal ng bansa ay maikokonsidera ring frontliner si Mayor Romualdez kung kaya’t walang dapat na ikwestyon sa pagpapabakuna nito.
Nabatid na maliban lamang kay Mayor Romualdez, ay aabot rin sa mahigit 800 private and public health workers kasama na ang ilang frontline government personnel sa Tacloban ang nakatanggap na rin ng first dose ng COVID-19 vaccine.