-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Matapos ang ilang linggo makaraang magnegatibo na sa coronavirus disease 2019, muling nagpositibo sa nakamamatay na virus ang isang survivor mula sa lungsod ng General Santos.

Batay sa inilabas pahayag ng Department of Health-Center for Health Development Soccsksargen Region, ang pasyente na ika-11 confirmed case sa Region 12 ang muling nag-test positive via oropharyngeal swab (OPS) na isinagawa noong Abril 28.

Batay sa statement ni Usec. Maria Rosario Vergeire, ang posibilidad ng pagkakaroon ng positive result ay dahil umano sa remnants ng virus na na-detect matapos ang isinagawang Polymerase Chain Reaction (PCR) test at hindi ito nangangahulugan na nakakahawa pa rin ang pasyente.

Stable umano ang kondisyon ngayon ni PH 3669 at nasa kanyang isktritong 14 araw na quarantine.

Isinagawa sa kanya ang ikaapat na repeat swabbing at hinihintay na lang ang resulta.

Dahil dito, hinihikayat ng LGU-GenSan ang lahat ng residente na i-observe ang mga preventive measures tulad ng regular na paghuhugas ng kamay, paggamit ng face mask, social distancing, at iba pang pamamaraan na ipinapatupad ng lokal na gobyerno.