ROXAS CITY – Na-infuse o naisalin sa isang coronavirus disease patient ang dugo ng isang COVID-19 survivor na nag-donate para sa Convalescent Plasma Therapy sa Philippine General Hospital (PGH).
Ito ang kinumpirma mismo ni Ceasar Ian Frias, 31-anyos at seafarer sa virus hit-Japanese cruise ship MV Diamond Princess.
Aniya, naisalin na ang 500cc ng kaniyang dugo sa COVID-19 patient at hinihintay na lamang umano ang magiging resulta nito.
Nabatid na isa si Frias sa tatlong Filipino COVID-19 survivors na sumagot sa panawagan ng PGH upang matulungan ang mga critically ill COVID-19 patients na maka-recover sa naturang sakit sa pamamagitan ng convalescent plasma therapy.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Frias, sinabi nito na ang kaniyang ina ang nag-udyok sa kaniya upang mag-donate ng dugo dahil batid nitong ang pagkaka-recover nito sa naturang sakit ay hudyat rin na maging instrumento siya upang makatulong sa ibang COVID-19 patients.
Nabatid na sina Frias at dalawa pang COVID-19 survivors na sina Gale Arranz at Kain Soriano ang nag lakas-loob na mag donate ng kanilang dugo dahil layunin nitong makatulong sa mga frontliners na nag aruga sa kanila na sugpuin ang nakakamatay na sakit.