BAGUIO CITY – Ipinagmamalaki ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) na wala na silang backlog sa pagproseso sa samples ng mga persons under investigation sa Northern Luzon.
Ayon kay BGHMC chief Dr. Ricardo Ruñez Jr., aabot sa 5,000 test kits ang kanilang natanggap nang sila ay masertipikahang magsagawa ng independent COVID test.
Aniya, dahil dito ay araw-raw na silang nakakapagsagawa ng 80-100 COVID tests mula sa dating 40 kada araw.
Nagresulta aniya ito sa mas mabilis at real time na paglabas nila ng test results ng mga pasyente para malaman ng mga ito ang kanilang health status.
Sinabi naman ni DOH-Cordillera Regional Director Dr. Amelita Pangilinan na makakatulong sa pagbawas sa backlog sa tests na isinasagawa ng RITM sa pagiging independent COVID testing center ng BGHMC.
Sa ngayon, nasa BGHMC ang siyam na COVID positive patients na pawang nasa stable condition habang walong na PUIs ang inilipat sa centralized containment center ng Baguio.
Isa ang BGHMC sa five sub-national COVID-19 testing centers na sinertipikahan ng RITM na magsagawa ng independent COVID test.