-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sisimulan na ngayong araw ang COVID-19 testing para sa mga Persons Under Investigation (PUIs); Persons Under Monitoring (PUMs) at mga frontliners sa buong rehiyon-10.

Ito ang pinakaunang araw para sa nasabing pagsusuri simula nang ginawaran ng license to operate ang Northern Mindanao Medical Center (NMMC) mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Ayon kay Department of Health (DoH)-Northern Mindanao Regional Director Dr. Adriano Subaan, mapapabilis na ang kanilang gagawing pagtukoy sa mga pasyente na mag-positibo sa bayrus at mapadali rin ang pagbibigay nito ng medikasyon.

Una nang sinabi ni Subaan na dapat asahan ang paglobo ng bilang ng kaso ng Covid-19 sa buong rehiyon matapos makakuha ng sariling testing sites ang Cagayan de Oro City.

Napag-alaman na ang paggamit ng makina ng GeneXpert, ay maaaring makapagsagawa lamang ng apat na pagsusuri bawat oras.

Sa maximum na operasyon ng 12 oras sa isang araw, nasa 48 ka tests lamang ang kaya nito.

Layon naman ng nasabing hospital na makapagsagawa ng 200 coronavirus test araw-araw simula Hunyo 1 kung matapos na ang upgrading sa mga hospital.

Napag-alaman na naantala ang pagsisimula ng Covid-19 testing sa NMMC matapos ma-stranded sa Manila ang shipment ng 1,140 cartridges dahil kay Bagyong Ambo.