-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Magpapadala ng medical team ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) upang tumulong sa mga napauwing Pilipino na naka-quarantine at mino-monitor kaugnay sa coronavirus disease (COVID-19) sa Athletes’ Village sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ayon kay Dr. Cherry Lou Molina, medical professional staff ng CVMC, nakatakdang bumiyahe sa Martes ang kanilang anim na doktor at staff upang umasiste sa mahigit 400 Pilipinong umuwi mula Japan para sa 14-day mandatory quarantine.

Isasailalim din sa quarantine protocol ang medical team pagbalik ng mga ito sa Cagayan.

Samantala, sinabi ni Dr. Molina na nagnegatibo sa virus ang 23 patients under investigation sa CVMC, base sa resulta ng kanilang swab test sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Aniya, na-discharge na sa pagamutan ang 22 habang nananatiling naka-admit sa Intensive Care Unit (ICU) ng CVMC ang isa pa matapos ma-stroke.

Sa ngayon, isang PUI na lamang ang patuloy na minomonitor sa naturang pagamutan.

Payo naman nito sa publiko ang palagiang malinis sa katawan at kumain ng masusustansya upang makaiwas sa anumang uri ng sakit.