MANILA – Umapela ang independent group na OCTA Research sa pamahalaan na palawigin pa ng isang linggo ang enhanced community quarantine (ECQ) sa “NCR Plus.”
Batay sa pinakabagong report ng grupo, bumagal pa ang pagkalat ng virus sa Metro Manila sa nagdaang linggo.
Mula raw sa 1.88 na reproduction number (R-Naught) ng rehiyon bago ipatupad ang ECQ, naging 1.23 na lang sa linggo ng April 3 hanggang 9.
Ang R-Naught ay ang bilang ng mga taong nahahawaan ng isang kumpirmadong kaso.
Noong nakaraang linggo, nasa 1.65 daw ang R-Naught ng buong Pilipinas.
“Extend the ECQ for another week to continue to slow down the surge, decongest our hospitals and relieve the pressure on our healthcare workers,” ayon sa OCTA.
Maaari naman daw ibaba ng pamahalaan sa modified ECQ ang estado kung hindi talaga posible na panatilihin ang pinaka-mahigpit na quarantine restriction.
Sa tala ng OCTA, 100% nang okupado ang intensive care unit ng mga ospital sa Taguig, Makati, Muntinlupa, Malabon, at San Juan.
Maging ang Bacoor at Imus, Cavite; at Antipolo, Rizal. Pare-parehong sakop ng NCR Plus ang nasabing mga lugar.
Noong March 22 nang ipatupad ng pamahaalan ang NCR Plus bubble sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan, na noo’y pare-parehong nasa ilalim ng general community quarantine.
Nitong March 29 nang isailalim ang naturang mga lugar sa ECQ dahil sa sumipa na namang kaso ng COVID-19.