-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Kanselado sa ngayon ang lahat ng transportasyon sa New York City sa Estados Unidos matapos na maitala ang snowstorm sa lugar na dahilan ng makakapal na niyebe sa mga pangunahing daanan.

Ito ang pinahayag ni Bombo International Correspondent Jelin Dohina Asamoah ng New York at tubong Tampakan, South Cotabato sa ulat nito sa Bombo Radyo Koronadal.

Aniya, nasa 16 degrees Fahrenheit ang lamig ngayon na kanilang nararamdaman.

Ilan rin raw sa mga residente doon sa ngayon ang hindi pumapasok sa kanilang trabaho dahil sa walang masakyan at pahirapan pa ang pag drive sa kapal ng niyebe na posible pang maging dahilan ng aksidente.

Kanya-kanya rin raw ang mga residente sa pagpala ng niyebe upang maalis at hindi matabunan ang harap ng kanilang pamamahay.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang panaka-nakang pagbuhos ng snow sa kanilang lugar.

Dagdag pa nito, kanselado rin ang isinasagawang vaccination program laban sa COVID-19 ng mga residente dahil ilan sa mga ito ang hindi makalabas labas ng pamamahay sa kapal naman ng niyebe.

Samantala, nagdeklara naman si New York Mayor Bill de Blasio ng “state of emergency” dahil sa snowstorm na nangyayari ngayon sa kanilang lugar.