-- Advertisements --
FDA
IMAGE | The Food and Drug Administration office in Alabang, Muntinlupa City

MANILA – Inaasahan na rin ang pagsisimula ng Phase III clinical trials ng COVID-19 vaccine ng China-based company na Clover Biopharmaceuticals sa Pilipinas, matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang aplikasyon.

“The FDA approved the clinical trial for the vaccine developed by Clover Biopharmaceuticals AUS Pty Ltd. today, January 8,” ayon sa press statement.

Una nang inaprubahan ng FDA ang parehong aplikasyon ng Janssen Pharmaceutical ng Johnson & Johnson ng Amerika noong December 28, 2020.

Sa ngayon, hinihintay na lang ng ahensya ang mga karagdagang dokumento na kanilang hiningi sa isa pang Chinese company na Sinovac.

“The FDA is currently awaiting response to clarifications for the proposed study on the Sinovac Life Sciences vaccine before issuing a decision on the application.”

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang bansa para sa mga kompanyang nais pag-aralan ang kanilang bakuna dito sa Pilipinas.

Samantala, kinumpirma rin ng ahensya na natanggap na nila ang aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) ng COVID-19 vaccine ng pamahalaan ng Russia.

“The EUA application for Sputnik V developed by Gamaleya National Center for Epidemiology and Microbiology – Ministry of Health was received on January 7, 2020.”

Agad daw dumaan sa pre-assessment ang aplikasyon ng institusyon, at inatasang magpasa ng mga kulang pa na dokumento.

Nitong Biyernes nang kumpirmahin ng Department of Science and Technology na umatras na sa clinical trial application ang Gamaleya.

Sa ngayon, tatlong kompanya na ang nakapila para makakuha ng EUA sa bansa. Unang nagpasa ang Pfizer-BioNTech (US-Germany) noong December 23, at ang AstraZeneca (United Kingdom) nitong January 6.

“The decision of approval is expected to be released withing 21 calendear days upon filing of application,” ani Domingo.