Naniniwala si Finance Sec. Carlos Dominguez III na sapat ang nasa halos P75-bilyong pondo para sa pagbili ng COVID-19 vaccine upang maturukan ang mayorya ng mga Pilipinong kwalipikado para sa bakuna.
Ayon kay Dominguez, bahagi ng nasabing halaga na papatak ng P62.5-bilyon ay magmumula sa Asian Development Bank (ADB), Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), at World Bank (WB).
Dagdag ng kalihim, sa P1,300 kada indibidwal, nasa 57-milyong Pilipino ang makikinabang sa pondong inilaan ng gobyerno.
Sa kasalukuyang populasyon ng Pilipinas na nasa 110-milyon, inihayag ni Dominguez na hindi kuwalipikado para sa bakuna ang mga nasa 18-anyos pababa, o halos 40% ng populasyon.
Kaya tinatayang nasa 70-milyon ng adult population ang pasok sa vaccination program.
Sinabi pa ni Dominguez, ang mga local government units na raw ang sasalo para sa pagpapabakuna ng mga natitirang indibidwal.
Posible rin aniya na bababa pa ang nasabing bilang lalo pa’t mayroong mga hindi interesadong maturukan ng bakuna laban sa COVID-19.
“So, basically we are going to be covered. And, I think, we will be able to easily vaccinate now, with the resources we have raised, to vaccinate 60 million Filipinos,” ani Dominguez.
Una rito, sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado na nasa P25-bilyon ang standby funds para sa pagbili ng bakuna sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act, habang P70-bilyon naman ang unprogrammed fund sa ilalim naman ng pambansang pondo.
Ma-a-access umano ang unprogrammed fund sa pamamagitan ng bilateral, multilateral, domestic or foreign borrowings.
Inanunsyo rin kamakailan ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakakuha na ang bansa ng unang 25-milyong doses ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese biopharmaceutical firm na Sinovac Biotech.