Posibleng pagsapit ng Marso sa susunod na taon magkakaroon na rin umano ng bakuna laban sa COVID-19 ang Pilipinas.
Sinabi ni Food and Drugs Administration (FDA) director-general Eric Domingo, ito’y matapos napaaga ang pagbibigay ng United Kingdom (UK) ng emergency use authorization (EUA) sa Pfizer habang ang United States at European Union (EU) ay inaasahang magbibigay na EUA sa loob ng dalawa o tatlong linggo.
Ayon kay Usec. Domingo, kung magsusumite na ng aplikasyon ang mga nasabing pharmaceutical companies sa Pilipinas pagsapit ng Enero 2021, maaaring makapagbigay na rin sila ng EUA sa mga unang linggo ng Enero.
Malaking tulong din umano para mapabilis ang pagbili at pagpapagamit ng bakuna ang nilagdaang Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay ng otoridad sa FDA na mag-isyu ng EUA sa mga gamot o bakuna laban sa COVID-19 na pinaniniwalaang epektibo at ligtas.