-- Advertisements --
Pfizer vaccine covid
IMAGE | COVID-19 vaccine development/Pfizer

MANILA – Inamin ng Food and Drug Administration (FDA) na malaki ang tsansa na magawaran ng emergency use authorization (EUA) dito sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer-BioNTech.

Pahayag ito ng ahensya matapos ianunsyo ng United Kingdom na inaprubahan na nila ang pagbibigay ng EUA sa bakuna ng nasabing mga kompanya.

“Maganda ang kanyang chance na magkaroon sila ng EUA dito kung mag-apply,” ani FDA director Eric Domingo.

Naniniwala ang opisyal na dumaan sa masusing proseso ang aplikasyon ng Pfizer-BioNTech bago inirekomenda ng Medicines and Healthcare products Regulatory Agency (MHRA) sa pamahalaan ng Britanya.

Kung magpapasa raw ng aplikasyon para sa EUA ng Pilipinas ang mga kompanya, kailangan nilang patunayan na epektibo at ligtas ang kanilang bakuna sa pamamagitan ng mga kaukulang dokumento.

“Mayroon lang tayong very particular na mga hihingin. Yung Center for Drugs natin manghihingi ng information tungkol sa stability ng proudkto kapag dinala dito sa Pilipinas, siyempre iba ang klima dito.”

“Manghihingi din tayo ng datos para maipakita na kung sa kanilang mga tinesting may kalahati natin na Asians or Filipino, para makita na walang pagkakaiba yung safety and efficacy sa iba’t-ibang lahi.”

Ayon kay Usec. Domingo, posibleng sa loob ng 21 hanggang 28 araw ay makapaglabas sila ng desisyon sa EUA ng isang kompanya na makakapagpasa ng kumpletong requirements sa aplikasyon.

Bukod sa bakuna, may kapangyarihan rin ngayon ang FDA na maggawad ng EUA sa mga gamot ng COVID-19, sa ilalim ng Executive Order No. 121 ni Pangulong Rodrigo Duterte.