SAO PAULO – Nakitaan daw ng magandang epekto ang laban sa COVID-19 ang bakunang gawa ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac Biotech nang sumailalim sa clinical trials sa Brazil.
Ayon sa Butantan Institute, na isa mga leading biomedical research center sa Brazil, at siyang humahawak sa Phase 3 trials, naging epektibo ang bakuna matapos gamitin sa 9,000 participants.
Ayon kay Dr. Jean Gorinchteyn, state health secretary ng Sao Paulo, nakita nilang may kakayahan mag-produce ng protective anti-bodies ang bakunang Coronavac.
Pero paliwanag ni Butantan director Dimas Covas, kailangan munang matapos ang trial sa kabuuang 15,000 participants bago ilabas ang datos ng resulta ng eksperimento.
Umaasa ang Sao Paulo state na bago matapos ang taon ay maaaprubahan ng kanilang regulatory body ang Coronvac para masimulan agad ang distribusyon sa unang bahagi ng 2021.
Batay sa datos ng John Hopkins University and Medicine sa Amerika, pangatlo ang Brazil sa may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 sa buong mundo. Umabot na ito ngayon sa 5,250,727.
Isa ang Sinovac sa tatlong Pharmaceutical companies na nagpasa na ng aplikasyon para makapagsagawa rin ng clinical trial sa Pilipinas.
Ayon sa Food and Drug Administration, pumasa na sa unang antas ng approval ang bakuna ng Sinovac matapos lumusot sa Vaccine Expert Panel. Kailangan pa nitong maaprubahan ng Ethics Board at FDA bago makapag-trials sa Pilipinas.(with reports from Reuters)