MANILA – Tiniyak ni Presidential spokesperson Harry Roque na malaki ang gagastusin ng pamahalaan sa pagbili ng kada dose ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese company na Sinovac.
Pahayag ito ng opisyal sa gitna ng mga kwestyon kung bakit nagpupumilit ang gobyerno na bilhin ang Chinese-made vaccine, sa kabila ng mas murang presyo ng kada dose ng mga bakunang gawa sa Europe at Amerika.
“Fake news ‘yung kumakalat na P3,600 per dose daw ang singil ng China. Ang ating presyo, bagamat hindi pa puwedeng i-anunsiyo talaga kung ano talaga ang presyo ng Sinovac ay hindi lalayo sa presyo ng Indonesia na bandang P650 kada turok,” ani Roque sa interview ng DZBB.
Kamakailan nang ilabas ng tanggapan ni Sen. Sonny Angara ang listahan ng umano’y presyo ng dalawang dose ng mga nangungunang COVID-19 vaccines.
Batay sa listahan, pangalawa ang Sinovac sa may pinakamahal na presyo na umaabot ng P3,629.50. Ang bakunang gawa naman ng Novavax ang pinakamura sa P366.
Habang ang coronavirus vaccine ng AstraZeneca na binili ng halos lahat ng local govenrment unit at private sector ay nasa P610 ang presyo ng dalawang dose.
Una nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na sa susunod na buwan ay dadating na sa bansa ang unang 50,000 doses ng Sinovac vaccine.
Bahagi raw ito ng 25-million doses na kasunduang pinirmahan ng Beijing at Pilipinas.
Nakapag-pasa na ng aplikasyon para sa emergency use authorization ang Sinovac sa Food and Drug Administration.
Pero hindi pa nagsisimula ang evaluation ng ahensya dahil wala pang datos ang Phase III clinical trials ng nasabing bakuna.