MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa agad matuturukan ng COVID-19 vaccine ang mga menor de edad.
Ito’y kahit ginawaran na ng emergency use sa Estados Unidos ang bakuna ng Pfizer para sa mga kabataang 12 hanggang 15-anyos.
“Based on our prioritization framework, hindi pa rin nakikita na mauuna sila doon sa mga sektor na pina-prioritize natin ngayon,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Nitong Miyerkules nang aminin ng Food and Drug Administration (FDA) na nagpadala na ng bagong aplikasyon ang Pfizer para amiyendahan ang emergency use ng kanilang bakuna sa Pilipinas.
Ayon kay FDA director general Eric Domingo, posibleng sa loob lang ng isang linggo ay ilabas na ng ahensya ang bagong emergency use authorization (EUA) ng Pfizer vaccines sa bansa.
“I already got the recommendation of our experts that it’s very favorable,” ani Domingo.
Paliwanag ni Vergeire, hihintayin pa nilang ihain ng FDA ang bagong EUA ng Pfizer vaccines.
Bukod dito, kailangan din daw maintindihan ng publiko na may sinusunod na priority list ang pamahalaan, kung saan unahin ang mga healthcare workers, senior citizens, at may comorbidity.
“This prioritization framework is based on the premise na gusto natin bawasan ang mga nagkaka-severe infections, nao-ospital, at mga namamatay. Based on this principle, kapag tiningnan natin ang statistics, this age group ay less ang kanilang risk of having COVID-19 infection and least risk of dying.”
Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na mababakunahan din ang mga menor de edad kapag sapat na ang supply ng bansa sa COVID-19 vaccines.
Batay sa huling datos ng DOH, aabot na sa halos 4.7-milyong Pilipino ang nababakunahan laban sa COVID-19. Ang higit 1-milyon sa kanila ay “fully vaccinated” na.