CENTRAL MINDANAO-Matagumpay na isinagawa sa bayan ng Pigcawayan Cotabato ang COVID-19 Vaccine Simulation.
Katuwang ng LGU-Pigcawayan sa pagsasagawa ng aktibidad ang Intergrated Provincial Health Office (IPHO-Cotabato) at Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato.
Ito ay bilang paghahanda sa inaasahang pagdating ng mga bakuna laban sa Covid-19 sa bayan.
Layon nito na ipaunawa pa ang kahalagahan ng pagpapabakuna at mas mapaghandaan ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa nito sa bayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng aktwal na proseso.
Lumahok sa Covid-19 vaccine simulation ang mga Day Care Workers, Barangay Health Workers at Barangay Nutrition Scholars.
Sila ay ang unang mababakunahan bilang mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sakaling magiging available na ang bakuna sa bayan.
Ayon kay Mayor Jean Dino Roquero, dahil sa simulation exercise ay makikita pa ang mga kailangang remedyuhan bago ang akwal na pagbabakuna at malaking tulong din ito sa mga personahe na magsasagawa ng pagpapabakuna.
Samantala, upang mas lalo pang mahikayat ang mga frontliners na magpabakuna laban sa Covid-19 ay inihayag ni Governor Nancy Catamco na makakatanggap ng ayudang bigas, itlog at medicine kits ang mga magbabakuna at magpapabakuna.
Ani Gov. Catamco, hangad ng Provincial Government na makamit ang pagiging Covid-free ng lalawigan sa hinaharap.
Kasabay ng naturang programa ay namahagi din ng cash assistance na nagkakahalaga ng P4,200 ang bawat DCW, BHW at BNS sa bayan mula sa pamahalaang panlalawigan.
Kabilang sa mga dumalo sa Covid-19 Vaccine Simulation sa Pigcawayan sina 1st District Representative Joel Sacdalan, Board Member Philbert Malaluan, IPHO-Cotabato Head Dr. Eva Rabaya, DILG Provincial Director Ali Abdullah, DOH XII Development Management Officer Mercy Salameda, Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Juanito Agustin at mga departmental heads and staffs sa bayan.