Ipinagpatuloy nang muli ng pharmaceutical company na AstraZeneca at Oxford University ang isinasagawang mga trial sa dine-develop na COVID-19 vaccine matapos makakuha ng go signal mula sa mga regulators.
Una rito, itinigil pansamantala ang pagsusuri makaraang dumanas umano ng side effect ang isang pasyente sa United Kingdom.
“Clinical trials for the AstraZeneca Oxford coronavirus vaccine, AZD1222, have resumed in the UK following confirmation by the Medicines Health Regulatory Authority (MHRA) that it was safe to do so,” saad ng kompanya sa isang pahayag.
Nitong nakalipas na linggo nang ianunsyo ng pharma giant na kusa raw muna nilang itinigil ang trial sa bakuna matapos na magkaroon ng hindi maipaliwanag na sakit ang isang volunteer.
Agad namang nagsagawa ng review ang isang independent committee at matapos ang imbestigasyon ay inirekomenda nila sa MHRA ang muling pagpapatuloy ng trial.
Maging ang Oxford Uniersity ay kinumpirma ang resumption at inihayag na inaasahan na raw na magkakaroon ng sakit ang mga kalahok sa mga pagsusuri.
“In large trials such as this, it is expected that some participants will become unwell and every case must be carefully evaluated to ensure careful assessment of safety,” saad nito.
Welcome naman kay British Health Sec. Matt Hancock ang muling pag-usad ng trial.
“This pause shows we will always put safety first. We will back our scientists to deliver an effective vaccine as soon as safely possible,” dagdag nito.
Ang bakuna dine-develop ng AstraZeneca ay isa sa siyam sa buong mundo na kasalukuyang nasa Phase 3 human trials. (AFP/ BBC)