Nagsimula na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mag roll out ng mga Covid-19 vaccines sa ibat ibang panig ng bansa maging sa pinaka malayong lugar gaya ng Batanes ay naideliver na ang mga bakuna.
Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang inoculation o ang pagbabakuna sa mga medical frontliners ng AFP sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Mismong sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff Lt Gen. Cirilito Sobejana ang nanguna sa symbolic vaccination sa mga medical frontliners.
Iniulat naman ng Philippine Air Force (PAF) na matagumpay na naideliver ang mga bakuna sa probinsiya ng Batanes ang pinakamalayong lugar sa norte ng ating bansa gamit ang mga bagong S70i Blackhawk utility helicopters ng PAF.
Ang mga tropa mula sa Tactical Operations Group 2 na mga tinaguriang “Valley Air Warriors” ang siyang nagbigay ng aerodrome support sa pagdating ng mga Blackhwak helicopters sa Tuguegarao Airport and at sa Navy Base Camilo Osias sa San Vicente, Sta Ana, Cagayan na siyang nagsilbing main staging point sa delivery ng mga bakuna.
Samantala, iniulat naman ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana na umabot na sa 5,293 military Health personnel ang nabakunahan ng unang turok ng Sinovac vaccine sa 6 na military treatment facilities.
Ayon sa heneral inaasahan nilang mas marami pang military personnel ang mababakunahan matapos na umabot sa mahigit 10,000 dose ng bakuna ang naihatid ng AFP sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nadeliver na rin nuong Lunes ang 1,200 dose sa Basa Airbase, Pampanga; 2,400 dose sa Camp Aquino, Tarlac; 1,200 dose sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija; tig-600 dose sa Naval Station Agbenar at Wallace Air Station sa La Union; at 3000 dose sa Philippine Military Academy sa Baguio City.
Dalawang blackhawk helicopters naman ang naghatid ng tig-1,200 dose sa Camp Nakar sa Quezon Province at Cavite Naval Base; at tig-600 dose sa 9th Infantry Division Headquarters sa Camarines Sur at Naval Station Jukhasan Arasain Medical sa Legazpi Albay.
Habang ikinarga naman sa NC-212i light lift aircraft ang 1,200 dose para sa 3rd Infantry Division sa Iloilo; 600 dose sa Central Command sa Cebu, at 1,200 dose para sa 8th Infantry Division sa Samar.