Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na ang mga COVID-19 Care Kits ay para lang sa mga pasyente ng Bayanihan E-Konsulta basta’t may rekomendasyon ng doktor.
Ito ay matapos makatanggap ang Office of the Vice President (OVP) ng kabi-kabilang requests para makatanggap ng naturang kits.
Ayon sa bise-presidente, hindi nagpapadala ang kaniyang opisina ng kits nang walang rekomendasyon mula sa isa sa kanilang volunteer doctors. Kailangang gabayan ng mga doktor ang kanilang mga pasyente kung paano gamitin ang basic medication na kasama sa COVID-19 Care Kits para sa lagnat, ubo at iba pang COVID symptoms.
Humihingi ngayon ng paumanhin dahil hindi kayang mapadalhan lahat. Ito ay sa kadahilanang limitado lang ang suplay, at gusto rin ni VP Leni na siguruhing rehistrado talaga ang kanilang mga pasyente dahil kailangan silang imonitor ng mabuti.
Bawat indibidwal na makatatanggap ng kits ay imomonitor ng dalawang beses sa loob ng isang araw.
May isang buong team kasi ang OVP na naka-focus lang sa monitoring ng mga pasyente na makatatanggap ng kits, mayroon itong digital thermometer, pulse oxymeter, sanitation bags, face masks, alcohol, basic medication at monitoring sheet.
“So iyong mga humihingi po, kailangan mag-register po muna sa Bayanihan E-Konsulta, kasi kailangan pong i-recommend muna ng — sa triaging pa lang, nire-recommend na ng doktor kung papadalhan o hindi, tapos mabigyan ng instruction,” wika ni Robredo.
“So iyong mga humihingi po, mag-register muna, para doctor’s recommendation,” dagdag nito.
Isiniwalat din ni Robredo na limitado lang ang suplay nila ng kits kahit pa marami silang natatanggap na mensahe mula sa mga nais mag-donate. May ilan aniya na handang magbigay ng cash donation subalit hindi ito tumatanggap ng pera.
Sa ngayon ay nangangailangan ang opisina ng bise presidente ng marami pang oxygen tanks dahil kulang na rin ang suplay nito. Para sa mga nais tumulong at magkaroon ng access sa oxygen tasks ay maaaring makipag-ugnayan sa OVP.
Kailangan din ang digital thermometers, pulse oximeters, at gamot para sa lagnat at ubo.
“So iyong mga nakukuha po natin na messages, iyon po ang mga kailangan sa mga gustong tumulong,” panawagan ng ikalawang pangulo.
Inilunsad noong Abril 7 ang Bayanihan E-Konsulta upang tulungan ang mga indibidwal na magkaroon ng access sa mga doktor para makakuha ng medical advice. Pagtapos ng konsultasyon, magpapadala ang OVP ng COVID Care kits sa mga pasyente.