-- Advertisements --
brazil jair bolsonaro
Brazilian President Jair Bolsonaro

Lumampas na sa isang milyon ang mga nagkakasakit sa Brazil dahil sa coronavirus disease.

Dahil dito, itinuturing na ngayon ang Brazil na world’s second worst-hit country kasunod ng Amerika na meron ng 2.2 milyon ang kinapitan ng deadly virus.

Halos 50,000 na rin ang mga namamatay sa COVID-19 sa Brazil.

Ang latest data sa naturang bansa ay makaraang lumabas ang impormasyon na sa nakalipas lamang na 24 oras ay nasa 54,771 ang naitalang mga kaso, kung saan 1,209 naman ang mga nasawi.

Sinasabing baka bukas daw ay lalagpas na sa 50,000 ang mga patay sa Brazil.

Sa kabila nito, duda ang mga eksperto na baka mas mahigit pa ang tunay na naitatala na datos kumpara sa mga naisasapubliko.

Sinasabing may problema raw sa “under reporting” sa Brazil at nagpadagdag pa rito ang kakulangan sa malawakang COVID testing.

Ang matinding krisis sa Brazil ay nakaapekto na rin sa popolaridad ng kanilang presidente na si Jair Bolsonaro na minsan ay binabansagang si “Tropical Trump” bunsod ng kuwestyunableng paghawak sa problema sa COVID-19.

Laganap din ngayon ang pangamba na lalong magdudulot ng economic collapse ang nararanasan sa Brazil.

Nagbabala naman ang mga public health experts na kung aagahan ang pagluluwag sa kanilang bansa ay baka lalong dumami pa ng husto ang COVID cases at fatalities.