Muling dumami ang nahawaan ng COVID-19 sa Germany ilang araw matapos na ianunsyo ang pagluluwag sa lockdown measures.
Noong nakaraang linggo ay nag-anunsyo si German Chancellor Angela Merkel nang unti-unting pagbubukas ng mga shops, eskwelahan at ilang soccer league pero walang fans na manonood sa venue.
Nabahala naman ang Robert Koch Institute (RKI) sa pagtaas muli ng bilang ng COVID positive na dapat umanong tutukan ng husto.
Sa ngayon merong mahigit sa 171,000 na ang coronavirus cases sa Germany at higit naman sa 7,500 ang mga nasawi.
Ayon sa mga experts ang tinatawag na reproduction rate (R0) ay umakyat sa 1.1 na ang ibig sabihin ay sa 10 katao na COVID infected merong average 11 iba pa ang mahahawa.
Nilinaw naman ng RKI na matatawag na under control ang infection rate at slowing down kung ang R0 ay mananatili ng “below one.”
Sa ngayon nakatutok ang mga otoridad at posibleng ibalik ang dating mahigpit na measures kung umabot sa “50 cases per 100,000 residents” kada linggo ang mga kaso.