Lumampas na sa 26,000 ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa ulat ng Department of Health (DOH) nitong hapon ng Lunes, umaabot na sa 490 ang panibagong mga nadagdag na infections.
Agad namang nilinaw ni DOH Usec. Maria Rosario Vergerie na sa nabanggit na bilang ang 348 ay mga “fresh” cases o kaya bagong mga na-validate, habang ang 142 ay bahagi ng “late reporting.”
Sa ngayon nasa kabuuang 26,420 na ang mga dinapuan ng sakit mula nang maitala ang unang kaso sa Pilipinas noong January 30, 2020.
Nai-record din naman ngayong araw ang pinakamataas na bilang ng mga gumaling na pasyente na umaabot sa 298 para maidagdag sa mga total recoveries na umakyat na sa 6,252.
Lomobo rin naman sa 1,098 ang death toll sa bansa makaraang maidagdag din ang 10 mga nasawi.
Kaugnay naman sa mga tinaguriang fresh cases ang 131 na bilang ay mula sa Metro Manila, 79 ang nanggaling sa Region VII, at ang 138 ay mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa kabilang dako binubuo naman ang mga late cases na 21 mula sa Metro Manila, lima sa Region VII, habang ang 116 na mga pasyente ay nagmula naman sa ibang panig ng Pilipinas.
Samantala, nitong araw din ng Lunes ang ikalimang sunod na marami ang napaulat na gumaling o mahigit sa 200 na mga recoveries.
Ipinagmalaki rin naman ni Usec. Vergeire ang maliliit daw na “tagumpay” ng bansa sa laban kontra COVID-19.
“Marami naman po tayong mga tagumpay na nakamit in terms of battling this pandemic. Ito ay hindi lamang tagumpay ng DOH dahil hindi natin ito nakamit na mag-isa. Ito ay ating napagtagumpayan sa ating pagkakaisa at sa pagsunod sa mga rekomendasyon, regulasyon at simpleng panuntunan ng gobyerno,” ani Vergeire.
Sa kabila nito nagpaalala pa rin ang opisyal na hindi dapat maging kampante ang publiko dahil ang pagluluwag sa mga community quarantine ay lalong magiging delikado sa madaling pagkahawa sa coronavirus.