Nasa maayos na kalagayan ngayon ang Patrolwoman at ang baby boy nito matapos manganak sa loob mismo ng Kiangan Emergency Treatment Facility (KETF) sa Camp Crame nuong September 16,2021 habang ito ay naka quarantine matapos magpositibo sa Covid-19 virus.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP, The Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander Lt Gen. Joselito Vera Cruz kaniyang sinabi na maayos ang kondisyon ng mag-ina na parehong asymptomatic.
Sinabi ni Vera Cruz, batay sa ulat sa kaniya ni PLtCol. Richard Credo, ang administrator ng Kiangan Treatment Facility kasama ng Pulis ang kaniyang baby boy sa kwarto.
” Ok naman daw yung mag-ina base sa ulat ni KETF administrator, PLtCol Richard Credo.
Pareho daw sila asymptomatic. Yung mother is on the 10th day of isolation,” mensahe ni Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Ang nasabing Policewoman ay naka-assign sa Manila Police District Station 9 (MPD-9), sumailalim ito sa quarantine dahil nagpositibo sa virus subalit nuong September 16 ay nakaranas ito ng matinding labor at tila manganganak na.
Tinulungan siyang manganak ng isang PNP doctor at isang non-uniformed personnel na naka-quarantine din.
Ayon kay Vera Cruz, patuloy ang ginagawang monitoring ng mg PNP doctors sa mag-ina.
Samantala, tiniyak naman ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang tulong sa Patrolwoman at sa baby boy nito upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mag-ina.
Pinuri naman ni Eleazar ang dalawang pulis na tumulong sa pagpapaanak sa kapwa nila pulis.
“Bibigyan natin ng assistance ang ating patrolwoman at ang kanyang anak lalo ngayon na COVID-infected itong nanay. Lahat ay gagawin ng ating mga doktor para sa kanyang agarang paggaling at mahigpit nilang babantayan ang kundisyon ng bagong silang para tiyaking siya’y malusog,” pahayag ni Gen. Eleazar.