BAGUIO CITY – Nakatanggap ng relief goods ang 56 na boksingero at coach ng mga ito sa Cordillera Region mula kay Thai philanthropist at boxing patron Naris Singwancha.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa Highland Boxing Promotions owner at international boxing promoter na si Brico Santig, ang mga benipisaryo ay mga boksingero at coach ng boksing na nawalan ng pangkabuhayan dahil sa community quarantine noon pang Marso dulot ng COVID (Coronavirus Disease) pandemic.
Karamihan aniya sa mga benipisaryo ay local boxers sa Ifugao at Benguet na hindi nakatanggap ng anomang tulong mula sa national government.
Ito ay idinaan sa Philippine Boxing Promoters and Managers Association at umaasa rin na may sunod na tulong mula sa Singwancha Foundation para sa iba pang mga boksingero sa bansa.
May mga apektadong boksingero rin kasi mula Bacolod at Cebu na humihingi rin ng tulong sa kanilang asosasyon.
Iniaapela rin nila ang pagtutok ng Games and Amusement Board (GAB) sa sitwasyon ng mga professional boxers na apektado ang pangkabuhayan dahil sa pandemya.
Napag-alamang noon pang April 1 isinumite ng GAB sa Department of Labor and Employment ang listahan ng mga naapektuhang professional boxers at trainers sa Luzon para maisama ang mga ito sa Social Amelioration Program ng pamahalaan.