DAVAO CITY – Labis na ikinalungkot ng mga kamag-anak ng isang pasyente na positibo sa COVID-19 ang ginawa nitong pagpapakamatay sa loob mismo ng facility.
Una nang nakatanggap ng tawag ang Sulop Municipal Police station na may nangyaring suicide incident sa Purok 1, Brgy. Poblacion, Sulop, Davao del Sur sa loob ng 4 Jewels Isolation area kaninang umaga dahilan kaya agad silang rumesponde sa lugar.
Una nang nakilala ang biktima na si Liza Degamo Talaveros, 46, residente sa P-5 Brgy. Poblacion, Sulop, Davao del Sur kung saan nagpositibo umano ito sa virus sa isinagawang swab test noong Agosto 20, 2021, sa Sulop Municipal Health Office.
Ayon kay Jeany Estribillo, isa sa mga caretaker ng nasabing pasilidad, sinabihan pa niya ang biktima na maaari na itong ma-discharge sa quarantine facility pagkatapos ng kanyang agahan.
Ngunit ng bumalik ito sa kuwarto, hindi na umano sumagot ang biktima dahilan na puwersahan na binuksan ang pinto at nakita na lamang na nakaupo na ang biktima at may cable wire sa kanyang leeg.
Sinubukan pang iligtas ang biktima ngunit nalagutan na ito ng buhay.
Sinasabing nakapag-text pa ang biktima sa nurse duty kung saan sinabi nito na humihingi siya ng sorry at nahihirapan na siya at natatakot.
Nakatakda naman na isailalim sa post mortem examination ang katawan ng biktima.