-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng East Avenue Medical Center sa Quezon City na umaabot daw sa 10 ang bilang ng mga namamatay sa kanilang ospital dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Dr. Dennis Ordoña, tagapagsalita ng EAMC, naglalaro lamang daw sa zero hanggang tatlo ang aktwal na bilang ng mga COVID-related deaths sa kanilang pasilidad kada araw.

Hindi rin daw alam ni Ordoña kung saan nanggaling ang datos na 10, batay sa alegasyon na lumutang sa social media.

Pinabulaanan din ni Ordoña ang paratang na inatasan daw ng Department of Health ang ospital na ihinto ang pagbibilang ng mga namamatay dahil sa deadly virus.

Paliwanag nito, wala raw silang rason para itago ang bilang ng death toll dahil wala rin daw pagkakaiba kung marami o kakaunti lang ang mga namamatay.

Una nang nanindigan si DOH Sec. Francisco Duque III na hindi sila naglabas kailanman ng direktiba sa mga ospital para itago ang bilang ng mga namamatay dahil sa COVID-19.

Katwiran naman ni Dr. Alfonso Nuñez, medical chief ng EAMC, hindi nila isinasapubliko ang bilang dahil centralized na raw ng DOH ang pag-uulat ng mga kaso mula sa mga ospital.