Mabibiyayaan ang mamamayan ng Amerika ng katumbas na P15,000 kada linggo sa ipinasang panukalang batas ng US Congress bilang coronavirus pandemic package.
Ang naturang ayuda para sa mga nawalan ng trabaho ay liban sa katumbas na P30,000 bilang stimulus payments ng hanggang buwan ng Marso ng susunod na taon.
Nakapaloob din sa COVID relief measure ang inilaan na $600 billion dollars para sa mga naluging negosyo dulot ng krisis.
Pinaglaanan din ng mga mambabatas ng pera ang patuloy na distribusyon sa bakuna, tulong sa mga paaralan at mga residente na pinalayas sa mga tinitirhan dahil wala ng pambayad sa mga renta.
Inaasahang pipirmahan na rin ito ni US President Donald Trump sa mga susunod na araw matapos na pagtibayin ng Senado at kanilang Kamara.
Agad namang pinuri ni President-elect Joe Biden ang naturang relief package.
Gayunman, marami pa umanong dapat gawin ang Kongreso at kailangang suportahan din ang kanyang COVID plan sa pagpasok ng kanyang bagong administrasyon sa Enero 20 ng susunod na taon.