LEGAZPI CITY – Ikinababahala ni Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon na pagmulan ng panibagong surge ng COVID-19 ang mga political rallies at campaign sorties ng mga national at local candidates sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Naobserbahan ni Leachon na sa dalawang araw matapos ang pagbubukas ng campaign period sa national level noong Pebrero 8, maraming mga paglabag ang naitala lalo na ng mga Presidential candidates.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi nito na makikita ang mass gatherings kahit pa 16% pa ang positivity rate o wala pa sa low-risk level habang posibleng mababa naman ang vaccination rate sa mga lugar na pinupuntahan lalo na sa Visayas at Mindanao.
Inihalimbawa pa nito ang nangyaring surge ng Delta-variant sa India na na-trigger ng campaign sorties ni Minister Narendra Modi.
Huhestyon ni Leachon na magsagawa ng meeting ang Commission on Elections (COMELEC) sa pangunguna ng IATF upang paalalahanan ang mga kandidato sa isasagawang campaign sorties.
Bilang responsableng lider, kinakailangang mapaalalahanan umano ang mga ito ng reyalidad na hindi pa natatapos ang COVID-cases dahil sa Omicron variant at may banta pa rin ng ibang Delta subvariants.
Samantala, ang kandidato aniya ang pamamanagot kung sakaing magkaroon ng surge lalo pa at hindi naman pupunta sa isang lugar ang mga supporters kung walang anunsyo sa venue at imbitasyon.