-- Advertisements --

CEBU CITY – Nakatakdang magpatayo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) laboratory ang Mactan Cebu International Airport para mag-test sa mga dadating na mga overseas Filipino workers (OFW).

Ayon kay Andrew Harrison, chief executive advisor ng GMR-Megawide Cebu Airport Corporation (GMCAC), inaasahang matatapos ang pasilidad sa loob ng 15 araw.

Kaya raw ng pasilidad na makapagproseso ng 900 reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) at makapag-test ng 400 katao bawat araw na kung saan higit pa ang maiproseso nito kumpara sa kapasidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Magkakaroon din ito ng state-of-the-art facilities, dahilan kaya mailalabas agad ang resulta makalipas ang 24 oras.

Nag-arrange na rin ng hotel accommodation ang GMCAC para sa mga returning OFWs at mga seafarers upang magsilbing quarantine facility ng mga ito habang hinihintay ang resulta ng test.

Aakuin naman ng mga OFWs ang gastusin sa pag-test kasama na ang one-day hotel accommodation.

Inaaasahan pa ang pagdating ng 20,000 mga umuuwing OFWs.

Hindi naman binanggit ni Harrison kung kailan ito magiging operational kung sakali mang matatapos na ang nasabing pasilidad.

Sa ngayon, pinoproseso na nila ang accreditation mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).