-- Advertisements --

LONDON, United Kingdom – Isa ang Fil-Am singer na si Gabriella Sarmiento Wilson o mas kilala sa stage name na H.E.R, sa mga naghahanda na kaugnay sa global streaming and broadcast special na layuning makabili ng dagdag ng bakuna para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Si H.E.R (Having Everything Revealed) ay kabilang sa big winner sa Grammy Awards noong nakaraang buwan matapos gawaran ng “Song of The Year.”

Makakasama ng nasabing half Pinay singer sa naturang virtual concert ang Latina superstar na si Jennifer Lopez.

Mangunguna naman bilang host ang dating “Disney princess” na si Selena Gomez, habang tampok din ang rock band Foo Fighters.

Ayon sa international advocacy group na siyang organizer ng nilulutong event na itinakda sa darating na May 8, magsisilbing panawagan din ito para sa pagkakaroon ng patas at pantay-pantay na access sa COVID vaccine.

Target din na himukin ang mayayamang bansa na i-donate kung may sobra man silang bakuna.

“This is really an opportunity to call on world leaders to make sure that the 27 million heroic healthcare workers around the world that don’t yet have access to a vaccine can get access over the coming months,” saad ni Hugh Evans, ang Global Citizen Chief Executive, sa Reuters.

Noong nakaraang taon nang ilunsad naman sa gitna ng lockdown ang “One World – Together at Home” fundraiser na pinangunahan ng pop diva na si Lady Gaga.