VIGAN CITY – Hindi na umano mahigpit ang pagpapatupad ng mga COVID-19 protocols sa Busan, South Korea dahil sa ngayon ay wala nang kaso ng nasabing sakit sa lugar batay na rin sa ulat ni Bombo international correspondent Arthur Urgel, isang OFW sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Urgel, sinabi nito na masunurin ang mga tao sa Busan dahil kahit anupaman ang maipatupad na protocols ay hindi nila ito nilalabag.
Aniya, nagpapatuloy pa rin naman ang pag-disinfect ng mga tao sa kanilang sarili kahit saan man sila magpunta at kabilang na rin ang paggamit nila ng facemask upang maiwasan ang virus.
Idinagdag pa nito, apektado pa rin sila ngayon sa krisis dulot ng pandemic dahil isa umano siya sa mga OFW na aabot na sa tatlong buwan na hindi nakapagpadala ng pera sa kanyang pamilya sa Pilipinas dahil dalawang linggo lamang ang kanilang pagtatrabaho sa loob ng isang buwan.